Lunes na naman at tapos na ang bakasyon ng weekend. Sa makatuwid, trabaho na naman. Kung maitatanong ninyo, ano ba ang ginagawa ko sa aking trabaho? Opo, isa akong intern sa isang organisasyong internasyonal na dapat may ginagawang makabuluhan sa araw-araw kong pagpasok.
Pero hindi iyon ang nangyayari. Kung ako lang ang masusunod, matagal na akong umalis dito at nagpalit ng trabaho. Bakit kamo? Sa araw-araw na ginawa ko dito, wala naman talaga akong makabuluhang ginagawa na makakacontribute sa professional growth ko at career. Kung baga, magandang ilagay sa iyong resume ang mga katagang International Labour Organization kasi syempre mataas ang pagtingin ng tao sa organisasyong ito pero sa totoo lang, wala akong ginagawa kundi tumitig sa aking computer screen sa loob ng 8 oras araw-araw at magbrowse sa internet kung saan-saan.
Pero hindi pwede at napakakomplikado ng paglalakad ng papeles. Bilang dayuhan sa bansang ito, calibrated at planado dapat ang iyong mga kilos. Dadaan ka sa butas ng karayom at kumplikadong proseso kung gusto mong magpalit ng trabaho.
Bakit ganito kamo? Bakit hindi ako makipag-usap sa aking mga boss na super bossy at feeling pa-importante. Sa opisinang pinagtratrabahuhan ko, mahirap atang hagilapin ang mga tao. Either sila ay 'nakabakasyon' o 'nagkakape sa baba.' Lagi-lagi ko itong ginagawa, pag gusto kong manghingi ng appointment sa kanila, tatawag ako sa telepono at mararating ang kanilang mailbox. Syempre mag-iiwan ako ng message doon. Tapos mag-eemail pa ako sa kanila. Wala naman akong maririnig na sagot! Pati mga secretaries dito, ganyan din sila. Kailangan halikan mo sila at sumipsip mula ulo hanggang paa para lamang gawin nila ang iyong request. Hindi ba hindi dapat ganoon kasi iyon ang trabaho nila? Parang ang tingin ko tuloy, mamamalipit ka muna sa kanila bago nila gawin ang trabaho nila.
Teka, bat kaya ganoon sila? Take note na nakakalula ang mga sweldo ng mga balyenang ito. Pag ikaw ay napasok sa trabahong ito (take note hindi biro-biro ang mapasok dito hindi dahil dapat qualified ka, kundi dahil dapat may kapolitika kang mataas na tao, masama mang sabihin, marami ditong ), ang paunang sweldo ay mga CHF 5,000 perakada buwan o pera po sa atin, mga mahigit kumulang dalawang daang piso lang naman depende sa palitan ng pera. At syempre, dahil mga 'international civil servants' kuno ang mga taong ito, hindi sila nagbabayad ng buwis ni singko sa kanilang sweldo. Biruin mo!
Kaya naman naiisip ko, paano kaya nila ginagastos ang ganitong kalaking salapi buwan-buwan? Isa na rin siguro iyang dahilan kung bakit puno palagi ang kapihan sa baba. At iyan din siguro ang dahilan kung bakit palaging may fashion show dito araw-araw ng mga mamahaling damit, relo at alahas. At iyan din siguro ang dahilan kung bakit sa tuwing makikipagplastikan ang mga tao sa akin dito, wala na silang ibinida kundi ang kanilang weekend shopping escapades sa Paris, Milan, London, Berlin at ang kanilang hindi malilimutang pagtira sa kanilang mga chalet sa itaas ng mga Swiss mountains.
Mahirap din makatagpo ng mga taong bukas-palad at palakaibigan dito. Unang-una, pakiramdam ko hindi pa rin ako gamay sa kultura ng tao dito. Mas malamig sila at close-minded at siguro hindi rin gamay makipag-ugnayan sa mga taong may kulay. Kakausapin mo sila ng ingles, i-prapranses ka naman... Tuloy ang default expression ng mukha mo ay tuliro, nalilito o naprapraning. Maiistress ka lang sa huli. Lalo na ang mga tao dito sa trabaho, kung saan ikaw ay inoobserbahan sa tatak ng iyong relo at damit kung mamahalin ba iyan o hindi at syempre ang iyong mga taste sa bagay-bagay. Siyempre mahirap nang makipagsabayan sa mga ito pag sila ay nag-aya, sa mahal ba naman ng bilihin dito.
So ganyan ang aking work life dito. Papasok ako at bubuksan ang computer, at magbrobrowse nang magbrobrowse hanggang sa sumapit ang katapusan ng araw. Exciting di ba?
Hi, Mark. Hayaan mo na sila. At least alam mo ang worth mo. Isa kang matalino at accomplished na Pinoy. Don't ever forget that.
ReplyDeletePERO naiintindihan ko ang sinasabi mo sa blog post na ito. My Mom's bestfriend used to work at WHO Geneva for around 5 years. Parating sinasabi ng Mommy ko iyak nang iyak si Tito P. Wala yata naging kaibigan sa workplace and in Geneva in general...She is now back in RP, though.
Hope mas maging ok ang feeling mo sa workplace. I wish you all the best and may God bless you in all that you do.
Godspeed,
Jayred